Ang kulit kulit. Talaga. kulit talaga nung isang kaklase ko nung college, kinukulit kasi ako mag-audition para maging vocalist ng isang bandang sikat na sikat dito sa Pilipinas.
hay, ang pagiging musikero...
aaminin ko, lahat ng ito, ay iaalay, lamang sa aking kinamulatan noong pagkabata. nakagisnan ko ang musika. maliit pa lang ako sinasabi na ng iba't-ibang tao na dapat magaling daw ako sa musika. at dahil dito, may isang "henyo" sa larangang ito ang nagsabi sa akin na tawagin silang "musiko", at hindi "musikero". dahil ang mga "musiko" ay nasa linya ng abogado, mediko, piloto at ang"musikero" ay napapangkat naman sa basurero, karpintero, labandero, atbp. alam ko naman butas ang argumento, pano na ang inhinyero? pero sige, dahil henyo nga sya sa musika, at syempre kuha ko naman ang punto nya, at malamang sa hindi kuha nyo rin naman. mula noon, natatak na sa aking isipan ang bansag..
hay, ang pagiging musiko...
para sa akin, ayokong tawagin ako ng mga tao bilang musiko. musikero pa rin ako. ayoko, ayoko talaga. ayoko talagang gawing seryosohan ang pagkahilig ko sa musika. yan kasi ang aking pananaw sa pagiging musiko, pag seryosohan na, musiko ka na. ang musikero naman ay hanggang "for fun" lang. at hanggang "for fun" lang ako. hindi ko naman ibig sabihin na magaling akong kumanta, dahil alam ko naman na hindi ako ganun kagaling. pero, alam mo yun, naniniwala kasi ako na kapag gusto mo talaga, nadadaan yan sa tyaga. yun nga lang, hindi ko talaga ginusto maging isang musiko.
"e bakit naman? sayang, suwerte mo nga, may kilala kang henyo sa musika. matutulungan ka nya para mahanap o mailabas ang musikang tinatago ng kaluluwa mo." sa katunayan pa nga, marami na akong taong nakausap na hangang-hanga sa musikong aking binabanggit. ang iba pa ngang nagpapaturo ay nakatapos sa UP ng kursong musika. ang musiko? nakatapos lang ng dalawang taon sa high school. husay diba?
sa totoo lang, ang may kasalanan kung bakit ayaw kong maging isang "musiko" ay ang henyo ring aking pinapaksa. at hindi dahil masama ang loob ko sa kanya.
ang musikong nabanggit ay lulong sa ipinagbabawal na gamot. hindi sya makagawa ng musika/areglo kapag hindi sya lumulutang sa alapaap. pano ko nalaman to? sa susunod ko na lang iku-kwento, mahaba-habang inuman ata ang kailangan para jan. at dahil sa ilang taon na paggamit ng droga, nasira na ang pag-iisip nya. may TB na nga sya, yosi pa nang yosi. kung nasa tama ka ba namang pag-iisip at sinasabi na ng katawan mo na may TB ka, magyoyosi ka pa ba? sabihin na natin na wala kang hiya sa sarili mo, mahihiya ka naman siguro sa mga kapamilya mo na pwedeng mahawa sa sakit. mahalin naman sana nya ang pamilya nya. at heto pa, dahil napunta na sa pamilya, may mga anak sya ngunit hindi sya kailanman naging isang magulang. ika nga ng anak nya, "biologically, sya ang tatay ko. pero ni minsan hindi sya naging magulang ko. magiging magulang ka lang kung nagawa mong pakainin, bihisan, bahayan, at higit sa lahat, gabayan ang iyong anak. e ni isa sa apat na yan wala syang nagawa. sarili nga nya hindi nya maalagaan kami pa kaya..."
gusto atang isama sa hukay ang mga taong bumubuhay sa kanya...
musiko ka nga, ganyan ka namang klaseng tao. mas gugustuhin ko pang maging musikero, na nakalinya sa basurero, ngunit may pag-unawa sa kapwa, at para sa ikakabubuti ng ibang tao ang iniisip.
yan ang totoong dahilan kung bakit ayokong maging musiko. musikero lang ako. laro-laro lang, dahil mahilig lang ako sa musika.
masyado akong naging stereotypical? hindi lahat ng "musiko" ganyang klaseng tao? oo nga siguro.
ngunit pakinggan nyo muna ito.. ang musikong nabanggit ay tao. buhay at nakakapag-isip. nakakaramdam ng tuwa, lungkot at inis. taong humihinga at patuloy ang pagdaloy ng dugo. at ang nasabing dugo, ang kanyang dugo, ay dumadaloy rin sa aking mga ugat...
.. musikero lang po ako ...
1 comment:
musik(ero)... bowler(o)... bohol(ero)..
yan! jan talaga yan nalilinya eh :p
Post a Comment